Skip to content

http://migrante-europe.net/

narrow screen resolution wide screen resolution Increase font size Decrease font size Default font size
You are here: Home News Features Lumalakas ang piso, nanghihina ang Pilipino
Lumalakas ang piso, nanghihina ang Pilipino PDF Print E-mail
Written by Noel Sales Barcelona   
Wednesday, 16 January 2008 20:29
AKALA ng mga tao na nasa Pilipinas kapag nasa Amerika ka, marami kang pera," kuwento ni Jose, migranteng Pinoy na matagal nang nakatira sa US. "Ang totoo, marami kang utang, dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili mo ng mga gamit mo."

Manedyer sa isang malaking kompanyang telekomunikasyon sa US si Jose.

"Akala nila malaki na ang kinikita mo dahil dolyar na ang suweldo mo," pag-aangas niya. Pero ang totoo, dahil dolyar din ang ginagastos niya at ng kanyang pamilya sa Amerika, hirap din siyang makaipon. "Ang dolyar mong kinita, sa presyong dolyar mo din gagastusin."

Para kay Jose, malaking sakripisyo ang pag-alis niya sa bansang sinilangan at pag-iwan sa mga mahal sa buhay. "Hindi pinupulot ang pera dito o pinipitas," aniya. Bagamat matagal nang nasa Amerika si Jose, nagpapadala pa rin siya ng dolyar sa mga kaanak sa Pilipinas.

At tulad ng halos 1.5 milyong Pinoy na nakatira o naghahanap-buhay ngayon sa Amerika, masamang balita para kay Jose ang paglakas ng piso. Habang isinusulat ito, pumalo sa P40.60=US$1 ang palitan samantalang inaasahan ng Bank of the Philippine Islands na papalo sa P37-P39=US$1 ang palitan sa susunod na mga buwan dahil sa patuloy na pagdagsa ng dolyar sa Pilipinas.

Ito ang pinanghahawakan ni Pangulong Arroyo na katibayang gumaganda ang ekonomiya sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Humihinang dolyar

Ngunit di sang-ayon dito si Sonny Africa, ekonomista at hepeng mananaliksik ng Ibon Foundation, Inc., isang independiyenteng ahensiya sa pananaliksik. Sa pag-aaral umano ng Ibon, masasabi niyang walang kinalaman ang sinasabing paglakas ng piso sa sinasabing paglakas ng pambansang ekonomiya.

"Humihina ang pambansang ekonomiya at maaaring maapektuhan nito ang halaga ng sarili nating salapi sa darating na mga araw," ani Africa.

Hindi umano lumalakas ang piso. Sa kabilang banda, humihina ang dolyar. Hindi umano maikakailang dumaranas ngayon ng matinding krisis pang-ekonomiya ang US, ang bansang itinuturing na "bolang kristal" ng mga ekonomiya sa daigdig. At dahil sa krisis na ito, sabi ni Africa, humina rin ang dolyar na ginagamit ngayon bilang international currency o salaping ginagamit sa pandaigdigang mga transaksiyon.

Mula noong 2004, patuloy na bumabagsak ang ekonomiya ng US dahil na rin sa hindi maayos na pamamalakad ng pinansiya nito. Sa ulat ng EPI (Economic Policy Institute), independiyenteng ahensiyang pampananaliksik na nakabase mismo sa US, umaabot na sa US$665 Bilyon ang inuutang ng gobyernong US taun-taon para lamang mapagtakpan ang lumalawak na depisito nito.

Pero magaling kasing naitatago ng US ang halaga ng utang nito sa pamamagitan ng pagpapanatiling mababa ang interes ng bayad-utang. Dahil dito, nahahalata ng buong mundo na unti-unting bumubulusok ang ekonomiya ng "super-ekonomiya" ng daigdig.

Gayunman, batay na rin sa pagtaya ng EPI, hindi malabong magpapatuloy ang paglubog ng ekonomiya ng US dahil na rin sa paglobo ng utang nito.

"Kung hindi maagapan (ang paglobo ng utang ng US), maaaring magresulta ito sa lalong pagbagsak ng ekonomiya ng US," sabi ng ulat ng EPI na nalathala noong 2004. Inaasahang sa 2012, patuloy na babagsak ang ekonomiya ng US at makapagtala ng -64 puntos sa kabuuang Gross Domestic Product nito.

Dahil nakadepende ang ekonomiya ng bansa sa takbo ng ekonomiya ng US, malaki rin ang inaasahang epekto ng pagbulusok ng ekonomiya ng Estados Unidos sa pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas, ayon kay Africa.

Dumaraming OFW

Sa kasalukuyan, aabot sa 50% ng inireremit ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) mula sa ibang bansa ang nasa dolyar. At dahil sa pagdami ng mga tulad ni Jose na nangingibang-bansa – partikular ang pumupunta ng Amerika – dumarami rin ang nakakapagremit ng dolyar.

Ayon kay Africa, dahilan din ito ng paghina ng dolyar kontra sa piso."Kabalintunaang ang dahilan ng paglakas ng piso – ang pagdami ng nangingibang-bansa – ay siya ring nagiging dahilan ng pagbaba ng halaga ng bawat dolyar na nireremit ng OFW."

Patunay umano ito na hindi dapat nakadepende ang ekonomiya ng bansa sa remitans ng mga migrante.

May kaunting pagkukutya naman si Sen. Mar Roxas, tagapangulo ng Senate Committee on Trade and Commerce, sa polisiya ng gobyernong Arroyo na mag-eksport ng paggawa sa ibang bansa. "Di lang dada, dapat ginagawa. Nasaan ngayon ang ‘kabayaran’ (ng naturang polisiya) sa mga mamamayan? Ilan buwan nang inirereklamo ng mga OFW ang pagbaba ng kita nila dahil sa paglakas ng piso," sabi ni Roxas.

Inaamin maging ng matataas na opisyal ng gobyerno na may masamang epekto sa mga OFW at kaanak nila ang paglakas ng piso. Pero bawi ni Diwa Guinigundo, bise-presidente ng BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas) na siyang ingat-yaman ng reserbang dolyar ng gobyerno, di dapat magkasya ang mga kaanak sa mga ipinapadala sa kanila.

Ani Guinigundo, dapat na lamang magnegosyo ang mga OFW sa pamamagitan ng programang FLC (financial literacy campaign) na magtuturo sa mga kamag-anakan nila kung paano magnegosyo gamit ang remitans na natatanggap.

Pero, sagot ni Africa, kahina-hinala ang tunay na intensiyon ng gobyerno sa paghikayat ng BSP at kaugnay na mga ahensiya (Overseas Workers’ Welfare Administration at Philippine Overseas Employment Administration), sa mga OFW na magnegosyo at bumili ng stocks at financial bonds.

"Sa kalagayan ng kabuhayan ng Pilipinas sa ngayon na patuloy na bumubulusok, wala ring halaga ang magnegosyo ngayon," sabi ni Africa. Patunay diumano ng pagbulusok ng ekonomiya ang malawak na disempleyo (na pinatutunayan din ng datos ng gobyerno), pagdami ng mga OFW, at patuloy na pagbagsak ng mga industriya, dagdag ni Africa.

Samantala, naniniwala si Guinigundo na may maganda ring epekto sa mga OFW ang paghina ng dolyar. Paliwanag niya sa PINOY WEEKLY, magandang balita ang paghina ng dolyar sa mga nagtatrabaho sa mga bansang hindi nagpapasahod ng dolyar gaya ng mga bansa sa Europa at Asya na nakikinabang din sa paghina ng internasyunal na salapi.

Pero wala din itong gaanong epekto sa mga OFW sa nabanggit na mga bansa, ani Africa. Bukod sa dolyar, naungusan din ng piso ang halaga ng sterling pounds ng Inglatera, Brunei dollar, Japanese Yen, Euro, at iba pang salapi. Ibig sabihin, hindi rin gaanong malaki ang kinikita ng mga OFW na nagtatrabaho sa mga bansang hindi gumagamit ng dolyar.

Bukod dito, binigyang-diin ni Africa, na batay na rin sa datos ng BSP noong 2006, sangkatlo (1/3) ng mga OFW ay nagtatrabaho sa US at mahigit sa 50% ng mga perang padala ay mula sa mga migranteng ito. Sila, sabi ni Africa, ang lubusang apektado sa sinasabing paglakas ng piso kontra sa dolyar.

Masama sa eksport

Bukod sa mga OFW, apektado rin ang mga negosyanteng nage-eksport sa ibang bansa. Ayon kay Roxas, ang ibig sabihin ng paghina ng dolyar ay ibayong pagbaba rin ng kanilang kita kahit di naman bumababa ang bilang ng dolyar na kinikita nila.

Bilang solusyon dito, pinayuhan ni Guinigundo ang mga negosyante na lalong pag-igihan ang paglikha ng mga produktong maaaring maipagbili sa ibang bansa, lalo na sa mga "emerging market" gaya ng Asya at Silangang Europa na hindi pa napapasok ng mga Pilipinong mangangalakal.

Nalalabuan si Africa sa payong ito. "Kung ibig ng gobyernong mapalakas ang export industry, dapat magbigay sila ng subsidyo," sabi ni Africa.

Para naman kay Roxas, kailangan ng matinong plano para matugunan ang nasabing problema ng mga eksporter, sa halip na magkasya na lamang sa "payo." "Gusto kong makakita ng kongkreto at maipapatupad na plano kung papaano tutugon sa posibleng pagsara ng mga planta at pabrika, at posibleng malawakang tanggalang bunsod ng pagkadisbentahe ng lokal na mga produkto dahil sa paglakas ng piso," aniya.

Di masyadong tumaas ang presyo?

Paliwanag ni Guinigundo, dahil sa malakas na piso, nananatiling mababa ang antas ng itinaas ng halaga ng mga produktong petrolyo noong 2007 (na 16 na ulit na nagtaas) gayundin ang halaga ng binabayaran ng mga mamimili sa kanilang kinokonsumong kuryente at tubig.

"Kung titingnan ninyo iyong inyong bill sa tubig at kuryente, makikita ninyo na bumababa ito kahit kaunti dahil sa paglakas ng piso kontra dolyar," aniya. Ipinaliwanag din niya na dahil sa pagtaas ng halaga ng piso, bumaba rin ang halaga ng binabayaran ng gobyerno sa interes ng mga pagkakautang nito.

Katunayan, sabi pa ni Guinigundo, umaabot lamang sa US$8.5-B ang halaga ng binayaran ng gobyernong Arroyo sa interes ng pagkakautang nito at inaasahang mas bababa pa ito kung patuloy ang paglakas ng ating piso.

Sang-ayon dito si Africa. Gayunman, Anumang kaunting kapakinabangan ang pagtaas ng piso kontra dolyar sa usapin ng produktong petrolyo, tubig at kuryente, hindi pa rin lubusang mapakikinabangan ito ng mga mamamayan. Malaking salik pa rin ang VAT (value-added tax) sa pagtaas ng mga nabanggit na produkto at serbisyo.

"Kaya dapat na tuluyan nang ibasura ang buwis na ito," giit ni Africa.

Bakit natutuwa si GMA?

Bukod dito, sinabi pa ni Africa na isa rin ang pagbabayad ng utang panlabas ng bansa sa tinitingnan ng Ibon na dahilan kung bakit patuloy nitong "pinapalobo" ang halaga ng piso. Naunang nagpahayag ang BSP na bumaba ang halaga ng interes o balance of payments na binayaran ng Pilipinas noong 2007 (US$8.5-B lamang), bunga ng pagtaas ng piso.

"Dahil napapababa nito ang interes ng utang nila (gobyerno) kaya gustung-gusto nila ang pagtaas ng piso. Pero kung susuriin mo, wala rin naman talagang pakinabang ang mga mamamayan dito," paliwanag ni Africa.

Sa kabila ng masasamang epekto nito, ibinabandera ng Malakanyang ang paglakas ng piso, pangunahin para mapagtakpan ang matinding krisis nito sa panunungkulan.

Pero para sa mga tulad ni Jose at sa mahigit 1.5 milyong migrante, hindi dapat ikatuwa ang paglakas ng piso. Milyun-milyong Pilipino ngayon ang hindi na umaasang matutulungan ng gobyerno para sa kanilang kabuhayan: Umaasa sila sa mga kaanak na nasa ibang bansa.

Ngayon, sa pagbabandera ng Malakanyang sa paglakas ng piso, namemeligro na naman ngayon ang kanilang kabuhayan.(Pinoy Weekly Online, Enero 16-22, 2008)

 

Related Items

Newsflash

A human rights group warned Friday in their annual report that the year 2006 is the 'worst' for human rights in the country. The group Karapatan said that 185 activists have been killed in the last 11 months, a record since the late dictator Ferdinand Marcos was overthrown in 1986. (Philippine Star, Dec. 1, 2006)

Bookmarks

Technogenics